Hep Hep Hooray?

ni Jeffrey Ray E. Cape

Sa lahat ng mga programang nanlibang ng mga Pilipino tuwing tanghalian, gamit ang ilusyon ng bagong buhay at ang indak ng pag-asa sa saliw ng mga novelty songs, walang ibang masasabing noontime show na higit pang matatag sa Wowowee. Dumaan man ang mga unos at bagyo, kontrobersiya na tila lindol, “walang tatalo sa Wowowee.” Kasabay nito ang unti-unting pagtamasa ni Willie Revillame, ang pangunahing host ng naturang palabas, sa pagpuring higit pa sa isang bayani.

Dahilan ba ito para sumigaw ng “Hep Hep Hooray?”

Wil-come back

Nakalulungkot mang isipin, ngunit walang maamoy ni alingasaw ng mga kahihiyang nadulot at naganap sa Wowowee. Ganuon ba kadaling makalimutan ang mga nabitiwang salita ni Willie noong libing ni dating Pangulong Corazon Aquino?

“Kung ganyan, pakita na lang natin ‘yan. Kasi nagsasaya kami dito…Pangit! Hindi ho maganda sa atin. Nagsasalita, ipinapakita yung kabaong ni Tita Cory, hindi ba? Papaano kami makapagsasaya, nahihirapan kami. I’m sorry ho, ha. Pero ako, totoo ako, e…at alam din ni Tita Cory ‘yan dahil napasaya rin siya ng show na ito na laging masaya dito, ok?” ani Willie sa mga live-feed inset ng funeral cortege ni Pangulong Corazon Aquino noong ikatlo ng Agosto.

Umani ng mga kritisismo ang pahayag na ito ni Willie mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), mismong sa kanyang network, ang ABS-CBN, at higit sa lahat, mula sa taong-bayan lalo na sa mga netizens na gumawa pa ng online petition upang ipatanggal si Willie sa Wowowee.

Solusyon nga ba ang pagtanggal kay Willie sa Wowowee? Paano nga ba tatanggalin ang taong puno’t dulo ng mismong palabas?

“Indefinite leave of absence” ang naging reaksyon ni Willie, simula noong ikasampu ng Agosto. Nawala siya, at tila namatay ang Wowowee.

Ngunit “Wil-come back” sabi ng mga billboard niya sa EDSA na naitayo ilang linggo matapos ang insidente. Katabi ang mga bagong pabago mula sa BENCH, tila nangangako ng muling pagbabalik ni Willie ang mga billboard. Mangangahulugan din ba itong isang pagsalubong sa kanyang pagbalik makalaon? “Wil-come back” Willie?

Tila “I will return” lang ni Hen. McArthur.

Ngunit mabilis makalimot ang mga Pilipino. Nakalimutan ang “mechanical glitch” ng isang segment ng Wowowee, kung saan mayroong dalawang numero sa isang lalagyan. Pahiwatig marahil ng posibilidad ng dayaan sa programang “sigurado ang swerte”. Kung nabaon na rin sa limot ang Ultra stampede, kung saan 78 ang namatay at higit sa 400 ang nasugatan, hindi ba’t madali na rin ang paglimot sa mga nasabi sa live-feed ni Pangulang Aquino?

Pumalo sa ratings ang Wowowee noong ikadalampu’t dalawa ng Setyembre, ang araw ng pagbabalik ni Willie: Taylor Nelson Sofres (TNS) National Ratings: Wowowee (ABS-CBN) 32.3%; Eat Bulaga! (GMA-7) 20.2%.

“Tuloy na ho ang pag-asa. Tuloy na ang saya,” sabi ni Willie sa isang interbyu.

Kung siya nga talaga si “Papi” hindi ba dapat binigyan niya ng kahit kaunting paggalang ang isang ina ng bayan tulad ni Pangulong Aquino?

Ondoy

Matapos ang libing ni Pangulong Aquino, isa na namang pangyayari ang gumulantang sa bansa—ang paghasik ni bagyong Ondoy. Siguradong hindi mawawala sa eksena si Willie.

Isang milyong piso ang ibinigay niya para sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy. Tunay namang makatutulong ang binigay niyang ito, lalo na kung taos puso niya itong ibinigay. Ngunit hindi ba masasabing barya para sa nagmamay-ari ng isang primera klaseng yate na nagkakahalagang P70 milyong piso ang isang milyon? Singkong maituturing kung susumahin ang kanyang kinikitang P1 milyon sa Wowowee pa lamang kada araw ayon sa YES! Magazine.

Agad naman siyang dinepensahan ng kanyang co-host na si Mariel Rodriguez. Sinabi niya sa isang interbyu na hindi naman maliit ang isang milyon, at sinigurado niya na tumutulong si Willie, higit pa sa isang milyon. Kung gayon, bakit pa kailangang ipagmalaki ang pagbibigay ng isang milyon?

Ngunit higit pa rito, hindi ko mapaniwalaan ang kanyang pagluha mula sa pakikipagusap sa mga broadkaster na naka-live-feed mula sa relief operations center ng ABS-CBN. Hindi ba’t kailan lamang nang kanyang kinaiinisan ang mga live-feeds na tulad nito?

Kung talagang para sa Pilipino saan mang sulok ng mundo ang Wowowee at si Willie, kinakailangang maging higit na bukal sa kanilang kalooban ang pagtulong, pagtulong na angkop at totoo, tulad halimbawa ng pagtulong ng isang kapamilya.

Sosyal at Pulitikal

Sa mga nakalipas na taon, nakita natin kung paano naging representasyon ng kulturang Pilipino ang Wowowee, lalo na sa ibang bansa. Naalala ko pa kung paano ginagaya ng aking mga pinsan sa New Jersey ang bersyon ng “Pera o Bayong” ng Wowowee. Nakatutuwa sapagkat sa pamamagitan ng palabas na ito, naipapakita ang pagiging masayahin ng Pilipino kahit sa gitna ng kahirapan.

Ngunit sa mga nakalipas na buwan, tila nakakakita tayo ng isang nakakatakot na pangitain.  Nakakatakot isipin na magiging isang makinaryang pulitikal ang Wowowee at si Willie.

Hindi naman masama ang paglabas sa Wowowee ng standard bearer ng Nacionalista Party na si Manny Villar. Hindi rin masama na dito naganap ang pampublikong proposal sa kasal ni Mar Roxas, na noong panahong iyon ay nagbabalak kumandidatong pangulo at kumakailan lamang ay nagdesisyong kakandidatong bise presidente na lamang. Pinupunas punasan pa ng kanyang sintang si Korina Sanchez, isang batikang broadkaster mula rin sa ABS-CBN, ang mga luhang tumutulo mula sa pisngi ni Roxas. Hindi rin masama na nailalapit nito ang mga pulitiko sa mga masang Pilipino, masasabi pa ngang nakatutulong ito. Ngunit ang nakasasama rito, ay nga pagtulong ng Wowowee at ni Willie sa patuloy na pagbaba ng diskursong pulitikal sa bansa. Ang palabas na magpapakita ng kulturang Pilipino—ay ang palabas na naglilimita sa usapang pulitikal sa mga proposal at pamamahagi ng pera. Nailapit ang mga pulitiko sa mga manunuod, ngunit nagkaroon ba ng makabuluhang pagkakaintindihan?

Hindi pa man din nagsisimula ang tamang panahon ng eleksyon.

Si Lam-ang, si Fernando Poe Jr., si Aquino, at si Willie

Kung isang palabas sa Estados Unidos o sa kahit iba pang bansa ang Wowowee, matagal na siguro itong nagpaalam sa ere. Parang hindi na yata ipagpapatuloy ang “American Idol” kung nagkaroon ng stampede dahil dito.

Dahil ba hubog sa imaheng bayani ng kamalayang Filipino si Willie Revillame kung kaya’t patuloy pa rin siya sa pamamayagpag tuwing tanghalian?

Sa akdang “Si Lam-ang, si Fernando Poe Jr., at si Aquino: Ilang Kuro-Kuro sa tungkol sa Epikong Filipino” ipinakita ni Ginoong Isagani R. Cruz ang arketipo ng isang bayani base sa ating mga epiko. Pinabasa sa amin ni Ginoong Allan Popa ng Kagawaran ng Filipino ang akdang ito ilang taon na ang nakalipas.

Ginamit ni Ginoong Cruz ang panunuring morpolohiko kung saan natuklasan niyang may kaayusan ang mga epikong Filipino at nakita niyang mayroong mga pagkakahawig ng pinagdaanan ang epikong bayani. Itinambal niya si Lam-ang kay Fernando Poe Jr at si Ninoy Aquino na kanyang kinakitaan ng pagsunod sa yapak ng una.

Nakakatawang isipin, ngunit tila nakikilinya si Willie sa arketipong ito.

Ilan sa mga nakita ni Ginoong Cruz na parte ng kaayusang ito ay ang: (8) mamamatay ang bayani; (9) mabubuhay muli ang bayani; (10) babalik ang bayani sa kanyang bayan. Tila ganito nga ang mga nangyari kay Willie sa mga nakaraang buwan.

Masasabing namatay si Willie noong nawala siya sa Wowowee dahil sa kanyang mga nasabi sa live-feed ni Pangulong Aquino. Hindi siya nakita sa kahit anong mga palabas, maliban sa mga interbyu tungkol sa kanyang pagkawala. Alinsunod ito sa ika-walong arketipo, ang kamatayan ng bayani. Ika-siyam naman sa mga arketipo ang muling pagkabuhay ng epikong bayani, na masasabing katumbas ng pagpapahayag ng pagbabalik ni Willie sa iba’t ibang paraan—sa mga interbyu, lalo na sa mga billboard at iba pa. Ika-sampu ang pagbabalik sa kanyang bayan ng epikong bayani, na masasabing ang pagbabalik ni Willie sa Wowowee.

Higit pa rito, masasabi ring ilang beses ng namatay at muling nabuhay si Willie (Ultra stampede, ang pagkawala ng dati niyang noontime show, ang Magandang Tanghali Bayan).

Dapat nating alalahanin na ang mga epikong bayaning ito ang nagsasalamin sa “anumang gawain, tungkulin at mithiin ng bayang naghihikahos, lumalaban, at dumadaing,” kagaya ng sinabi ni Ginoong Cruz.

Si Willie na ba ang sasalamin sa ating paghihirap bilang mga Pilipino gayong nakasakay siya sa isang “hiniram” na Porsche? Hahayaan ba nating gawing kasakangpan ng mga lilo ang bisa ng muling pagkabuhay at ng ating mga epiko?

Hindi maikakailang napakalaki ang sakop at impluwensya ng Wowowee. Totoo talaga ang sabi ng kanilang theme song, “Sa Luzon, sa Visayas, at sa Mindanao, saan man sulok ng mundo, makakasama niyo, magbibigay saya sa bawat isa at maghahatid ng kakaibang ligaya.” Ngunit masasabi bang “panalo ang marami” at “walang talo sa wowowee?”

Paano kaya kung naging higit na maingat ang Wowowee sa paglahok ng mga pulitiko dito? Paano kung nagkaroon sila ng kahit mumunting bahagi ukol sa track record ng mga kandidatong ito? Paano kung tinanong ni Willie ang bawat isang kalahok sa mga laro kung sino si dating Pangulong Aquino para sa kanila? Paano kung ginamit nila ang Wowowee para maiparating sa gobyerno ang panawagan ng ordinaryong Pilipino?

Duon ko lamang masasabi na Hep Hep Hooray.

(This article was published in the November – December issue of Matanglawin. Posting it here for the sake of having an update.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s